Chapter 2
Chapter 2
"I'M SORRY, Cassey."
"Sana, may magic ang sorry, 'no? Na kapag binanggit mo, automatic, magiging maayos na ang lahat,"
mapait na sagot ni Cassandra. Hindi niya nilingon ang kapatid kahit naramdaman niyang tumabi ito sa
kanya sa veranda. Alam niyang dapat ay kahit paano, magpasalamat siya kay Throne dahil sa bahay
nito siya pansamantalang tumutuloy habang naghahanap pa siya ng matitirahan. Pero hindi niya
mapilit ang sariling hindi maging sarkastiko.
Nagpatuloy si Cassandra sa pagtanaw sa madilim na kalangitan. Kung sa ibang pagkakataon siguro ay
napangiti na siya sa mga bituing para bang basta na lang isinaboy sa kalangitan, dahil sa nakalipas na
mga taon ay iyon ang nagsilbing karamay niya.
Walang gabing lumipas noon na hindi siya nakatanaw sa langit dahil ang mga bituin na iyon ang siyang
nagsilbing inspirasyon niya para magpatuloy tuwing naduduwag siya. Iisipin niya lang na isa sa mga
bituing iyon si Jethro at pinanonood siya ay ginaganahan na siya uli. This is property © of NôvelDrama.Org.
Natawa si Cassandra sa sariling kakornihan kasabay ng pagbagsak ng kanyang mga luha. Sa wakas
ay hinarap niya na ang kapatid. "Ang dami kong 'bakit' na gustong itanong sa 'yo, kuya. Alam mo ba
'yon?"
"I'm sorry." Niyakap siya ni Throne. "I was just... afraid you'd change your mind and go back,
Cassandra. Unti-unti, nakita ko noon na may nagagawa ka na para sa sarili mo, na nakakaya mo na
kahit wala kami. When I saw you in France, I saw your wings slowly... spreading." Malakas na
napabuntong-hininga ito. "Kung sinabi ko sa 'yo noon, siguradong magmamadali ka na sa pag-uwi at
wala na namang mangyayari sa buhay mo."
Kumawala si Cassandra sa kapatid. "Pero, kuya, kaya nga ako umalis, para sa kanya. Alam mo 'yon.
'Tapos hindi mo sinabi sa aking nakahanap na pala siya ng iba at ikakasal na?" Nabasag ang boses
niya. "Para naman akong tanga nito, nagsikap para sa wala."
Sa hindi na mabilang na pagkakataon ay pumasok sa isip ni Cassandra si Jethro pati na ang mga
alaala nilang naghatid sa kanya ng lakas sa ibang bansa. Pero siyang nagbibigay naman ng lungkot sa
kanya ngayon...
"IPAGDASAL MO 'ko, bro. I'll be asking for Cassandra's hand."
Napaawang ang bibig ni Cassandra sa narinig na pamilyar na boses na iyon ni Jethro. Hindi nakaligtas
sa kanya ang kaba sa boses nito. Kumakabog ang dibdib na hindi niya na naituloy ang tangkang
pagtulak sa pinto ng opisina nito na siguro ay nakaligtaang isara nang husto ng pumasok nitong bisita.
Parang sirang plaka na inulit-ulit pa ni Cassandra sa isipan ang narinig bago kinikilig na tinakpan ang
bibig para maiwasan ang mapatili. Mula nang maging sila uli ni Jethro kulang dalawang taon na ang
nakararaan ay pinakaaasam-asam niya na ang bagay na iyon. She had been dreaming to build a
family with him and raise kids who would look exactly like him.
Hindi makapaniwalang napahugot siya ng malalim na hininga. Sino ang mag-aakalang seseryosohin
pa rin ni Jethro ang isang tulad niya sa kabila ng mga nagawa niya rito?
Nagkakilala sila ni Jethro nang minsang mapilitan ito na manood ng isang fashion show sa Milan kung
saan isa siya sa mga itinampok na modelo. Ito ang nagsilbing escort ng pinsan nitong si Kylie noon na
mahilig sa mga ganoong bagay.
Habang rumarampa si Cassandra ay naraanan niya ng tingin si Jethro na siya namang titig na titig sa
kanya nang gabing iyon. Pero sa kabila ng insidenteng iyon ay hindi niya naisip na pagtutuunan siya
nito ng atensyon. Kilala kasi niya ang binata. Nababasa na niya noon pa ang pangalan nito sa mga
magazines at diyaryo.
Isa si Jethro sa mga kinikilalang eligible bachelors sa Pilipinas, kahit na nga ba mailap ito at bihirang
makita sa mga social gatherings ay lalo lang iyong nakadagdag sa curiosity ng mga babae rito.
Hanggang isang araw ay may makulit na paparazzi ang pilit inantabayanan si Jethro na siyang dahilan
para sa wakas ay makasilip ang publiko sa gwapong mukha nito na malayong-malayo sa kadalasang
kuha sa mga stolen shots.
Alam ni Cassandra na si Jethro ang solong namamahala sa airline company ng pamilya nito mula nang
mamatay ang dating gobernador na ama sa isang aksidente. Sa half Filipino-half Spanish na ama
namana ni Jethro ang mala-Español na anyo. Marami nang napatunayan sa buhay ang binata kaya
sino ba naman si Cassandra na isang modelo lang para pag-aksayahan nito ng panahon? Pero hindi
niya inaasahan na pagdating sa back stage ay isang staff ang mag-aabot sa kanya ng mga bulaklak at
may kasamang note na nagsasabing, "Don't worry, I'm not stalking... just admiring." –Jethro Llaneras
Sumilay ang matipid na ngiti sa mga labi ni Cassandra nang mabasa ang note. Pero maya-maya lang
ay nabigla siya nang makarinig ng isang malakas na pagtikhim na parang nanggagaling malapit lang
sa kanya. Paglingon niya ay naroon ang mismong nagpadala ng mga bulaklak, nakatayo di-kalayuan,
habang muli ay titig na titig sa kanya.
"I'm Jethro. Pwede mo akong tawaging 'Jet.'" Amused na natawa ang binata nang ilahad ang kamay sa
kanya at makita ang pag-aalinlangan niyang abutin iyon. "'Wag kang mag-alala, may takot ako sa
Diyos kaya makakasiguro kang mabuti akong tao... kahit paano. Saka, may kapatid akong babae."
Ngumisi ito. "'Takot ko lang na ma-karma kaya rest assured... you're safe with me, Cassandra."
Kumunot ang noo niya. "Kilala mo ako?"
"Nagtanong-tanong ako." Napahawak si Jethro sa batok. "I like the way you walked back there. So
determined yet so feminine. And your gray eyes amaze me. Para bang ang daming gustong ipahiwatig.
And your lips... parang bihirang ngumiti kaya kaabang-abang ang bawat paggalaw. Heck, ang sagwa
na ba?" Mayamaya ay tumawa ang binata. "Pasensiya na, hindi kasi ako sanay sa mga ganitong
bagay. Pero kung gusto mo pang pagtiyagaan ang mga kakornihan ko, pwede kang sumama sa 'king
mag-dinner sa labas. And two things, either you find me cornier or a real charmer. God, I hope it's the
latter!"
Napatitig si Cassandra sa binata. He had the kindest eyes she had ever seen. Kahit hindi personal na
kilala ay alam niyang mapagkakatiwalaan ang mga matang iyon. At siguro, kung sa ibang pagkakataon
ay pagbibigyan niya ito. For he was everything a woman would ever wish to have. Binata, simpatiko,
nagmula sa magandang pamilya, may nakapang-aakit na trabaho at estado sa buhay at higit sa lahat,
mukhang mabuting tao.
Pero tinanggihan pa rin ni Cassandra si Jethro nang mga sandaling iyon.
"Seriously, hindi talaga kita maintindihan sa bagay na 'yan, bro. You've always been smart. What the
hell happened?"
Napahinto si Cassandra sa pagbabalik-tanaw nang marinig ang pagpalatak ng bisita ni Jethro na sa
wakas ay nakilala niyang boses ni Vincent. Kaibigan ito ni Jethro at kasosyo sa negosyo na shopping
mall na sinubukang itayo ng dalawa sa Tarlac na pumatok naman sa mga tao kaya pinagbabalakan na
rin nilang magtayo ng isa pang branch sa kalapit-probinsya. "I mean, oo nga at modelo si Cassandra,
mayaman at maganda. She's too beautiful, in fact. But man, there's nothing else that's beautiful about
her aside from those." Napasinghap si Cassandra. "Let's recap. Nagloko siya, bro. Pumatol siya sa
dating manager niyang may asawa't anak na. I can't believe you actually fell for her. Ang daming
babaeng naghahabol sa 'yo, women who are more respectable for that matter and yet, you're losing
your taste."
Napapikit siya nang mariin. Modelo rin ang girlfriend ni Vincent na si Amanda kaya hindi imposibleng
hindi makarating sa lalaki ang balita, gaano man iyon pilit na pinagtakpan ng kuya Throne niya para
hindi kumalat.
Sa isang iglap ay naglaho ang kasiyahan ni Cassandra. Nilamon iyon ng pait na ngayon niya na lang
uli naramdaman. Ilang beses sa buhay niya ay pinilit niyang takbuhan ang kanyang nakaraan. But the
memories kept running with her... along with the people who could not seem to forget them. Mapait
siyang napangiti. Kapag pala talaga nagkamali ang isang tao, hindi na iyon malilimutan ng iba. Puro
pagkakamali na lang ang tatatak sa isipan nila.
BEINTE-DOS anyos si Cassandra nang maligaw siya ng landas. Abala pa noon si Throne sa
pamamalakad sa Madrigal Lending Company na ipinamana ng namayapa nilang abuelo na siyang
kumupkop sa kanila mula nang maghiwalay ang kanilang mga magulang.
Wala silang magandang alaala ng kuya niya sa kanilang mga magulang. Ang tanging natatandaan niya
na lang ay ang pagtatalo ng mga ito kung kailan at saan gustuhin, kahit na nakaharap pa sa kanilang
magkapatid.
Hindi tulad ng ibang mga anak ay hindi nakaranas sina Cassandra at Throne ng pagmamahal mula sa
mga magulang na hindi na sila naalala pa mula nang maghiwalay. Ang abuelo naman ay hindi rin nila
nakasundo. Ginawa sila nitong alila sa malaking bahay nito kapalit ng pagpapaaral sa kanila sa isang
pampublikong paaralan sa kabila ng yaman nito. Kaya naman laking gulat nilang magkapatid nang sa
kuya niya ipamana ng kanilang abuelo ang Madrigal Lending Company bago ito namatay. Kunsabagay,
wala nang ibang magtitiyaga sa kompanya dahil mas piniling maging pintor ng kanilang ama na siyang
nag-iisang anak ng kanilang abuelo, kaysa ang pamahalaan ang kompanya. Sa ngayon ay pareho
nang may kanya-kanyang pamilya ang kanilang mga magulang sa ibang bansa kaya lalong hindi na
sila naalala pa ng mga ito.
Cassandra was young then and yes, gullible, too. Dahil ang pangarap lang niya noon ay maranasan
ang hindi naranasan sa mga magulang, ang magmahal at mahalin din. Kaya nang makilala niya ang
manager niyang si Chad na sampung taon ang tanda sa kanya ay sa lalaki umikot ang kanyang
mundo.
Walang nagturo kay Cassandra ng tungkol sa pagmamahal kaya nang dumating si Chad ay napasobra
ang kanyang pagbibigay, binalewala niya ang katotohanang bawal na ang pagmamahal niya para rito
dahil pamilyadong tao na ang lalaki. Nagkataong sa Canada nga lang nakabase ang pamilya nito. Mas
pinairal niya ang puso kaysa sa isip lalo na nang malaman niyang may pagtingin din sa kanya si Chad.
At doon nagsimula ang kanilang lihim na relasyon.
Minahal niya si Chad nang higit pa sa sarili niya hanggang sa naging parang droga ang pagmamahal
na iyon na nagpahumaling sa kanya sa lalaki, dahilan para kahit ang sarili ay ialay niya rito.
Pero isang araw ay nasorpresa sina Cassandra at Chad sa biglaang pagbabakasyon ng pamilya ni
Chad sa Pilipinas. Noong panahong iyon ay naramdaman nilang pareho na pinaghihinalaan na ni
Regina ang pagiging malapit ni Cassandra sa asawa nito. Chad came up with a solution and it was
Jethro. Ayon rito ay mas mabuti nang may ipakilala siyang ibang boyfriend sa mga taong malapit sa
kanila para maiwasan ang pagdududa. And at that time, Jethro was still persistent about courting her.
Hindi iyon naging madali para kay Cassandra. Hangga't maaari ay ayaw sana niyang mandamay pa ng
iba, lalo na si Jethro. But the lovesick fool that she was agreed to Chad's plan in the end. Sinagot niya
si Jethro habang patuloy pa rin ang relasyon nila ng kanyang manager. Hindi kalaunan ay nabisto rin ni
Jethro ang tunay na relasyon nila ni Chad.
Pero iba kung magmahal si Jethro. Dahil sa kabila ng mga nalaman nito ay nakahanda pa rin ang
binata na tanggapin si Cassandra at pakasalan, hiwalayan niya lang daw si Chad na siyang hindi niya
nagawa. She was cruel and very much in love that she still chose her manager over him.
Pero isang araw ay nabuntis si Cassandra. Nang malaman iyon ni Chad ay bigla itong naglaho na
parang bula. Hindi niya kinaya ang depression kaya nakunan siya. Jethro was mad for quite some time
but his love was something unexpectedly real. Patuloy ang binata sa pagdalaw sa kanya sa kanyang
bahay, sa pag-encourage sa kanyang muling bumangon. And little by little, she was able to get back on
her feet. He was patient with her. Inalam nito at inunawa ang mga dahilan niyang hindi niya nagawang
ibahagi rito noon.
Tinanggap pa rin si Cassandra ni Jethro nang buong-buo. Bukod sa kapatid niya ay si Jethro ang
naging karamay niya, ang naging sandalan niya. Hanggang sa unti-unti ay natutunan niyang mahalin
ang binata. And exactly two years after she lost her baby, when she was turning twenty-five, they
became a real couple.
Muling ipinakilala ni Cassandra sa kuya niya si Jethro pero sa pagkakataong iyon ay bilang lalaking
pinakamamahal niya. Masayang tinanggap naman ni Throne ang binata. Saka niya lang napag-alaman
na magkaklase pala ang dalawa sa UP noong kolehiyo sa kursong Business Management. Halos
walong taon rin ang tanda ni Jethro sa kanya.
Napakamapagmahal ng binata. Hindi alam ni Cassandra kung anong kabutihan ang nagawa niya para
magkaroon siya ng kagaya nito sa buhay niya. Minahal siya nito sa kabila ng mga maling desisyon niya
sa buhay. Palaging bukas ang mga kamay nito para alalayan siya sa tuwing nadarapa siya. Kaya
ipinangako niya sa sarili na gagawin niya ang lahat para makabawi man lang sa kahit na anong
paraan. Dahil nang tanggapin siya ni Jethro ay saka lang niya natutunang tanggapin at pahalagahan
rin ang sarili.
Nagsisikip ang dibdib na napaluha si Cassandra. God... it was breaking her heart to know that Jethro
was the one paying the consequences of her mistakes.
Mayamaya ay natigilan si Cassandra sa narinig na malakas na pagkalabog sa loob ng opisina. Sa muli
niyang pagsilip ay nagulat siya nang makitang nakabulagta na sa sahig si Vincent, hawak ang duguang
labi nito habang nasa tapat ang hinihingal sa galit na si Jethro.
"That's the girl I love you're talking about, Vincent. Isa pang maling salita mula sa 'yo at siguradong
magkakatalo na talaga tayo," matigas na wika ni Jethro. "Besides, wala akong pakialam sa opinyon mo
kaya sarilinin mo na lang."
Narinig pa ni Cassandra ang mahinang pagmumura ni Vincent bago lumabas ng opisina. Matalim ang
mga matang tinitigan siya ng lalaki nang makita siya pagkatapos ay tuluyan nang umalis.
She was touched and hurt at the same time. Napaluha siyang muli. Mahal nga siya ni Jethro pero nang
dahil sa pagmamahal na iyon ay napipingasan ang magandang reputasyon nito, bukod sa nasisira din
ang magandang relasyon nito sa mga taong malapit rito.
How could she take that?